Huwag makiuso. Pero sadyang hindi maiwasan lalo na kapag ang plano ay naiba sa mismong araw ng pag alis.. may hindi napagkasunduan sa pagbayad ng sasakyan, kaya nakipagsapalaran na rin kami sa sandamukal na tao sa mga terminal ng bus sa Cubao. Mula sa tawiran sa EDSA, kitang kita ang dagsa ng mga taong naghihintay ng masasakyan at ang mga dumagdagdag para makauwi sa kani-kanilang probinsya.
Ang mga sasakyan ay halos hindi gumagalaw sa magkabilang dako ng kalsada, na halos mawalan na kami ng pag asa na makaalis pa. Tinanong ko pa nga ang isa sa mga kasama ko kung tuloy pa(?), dahil papunta pa lang sa terminal ay pahirapan na sa pagsakay. Nagpasya akong sumakay na lang ng MRT kahit na alam ko'ng mas maraming tao dun at madalas masira (putangina).. sinikap ko na lang maging positibo at nakasakay din sa pang-limang tren na dumaan.
Ayos lang kahit ipit-ipit ang nangyari sa akin, muntik na humiwalay nang tuluyan ang bag ko at halos maubusan ng pagkain na oorderin sa fast food chain sa mall.
"Manatiling positibo at magiging okey ang lahat."
Nagpalipat-lipat kami sa paghahanap ng medyo maluwag na terminal at nagdesisyon na mag-iba ng ruta -- dalawang sakay, ayos lang yan! Pero nakarating kami sa ES Terminal at nagpasyang doon na lang pumila dahil pare-parehas na lahat ng sitwasyon. Hinanap namin ang posibleng dulo ng pila, pero nagkamali kami.. magulo naman kasi talaga ang pila nila! Maraming pasaring, may mga nag-away dahil sa mga sumisingit at mainit na ang mga ulo nila. Ang iba sa kanila alas sais pa nakapila na. Hindi na kami umalis sa pila dahil andun na kami; sayang! at hindi rin namin kasalanan kung naging pabaya sila.
Magulong magulo, dinagdagan pa ng init ng panahon kaya parang gusto nang bumigay ng katawan ko. Dumating ang iba naming kasama at ilang minuto lang ang nakalipas ay nakasakay na sila -- ang dalawang ninja! Niyaya nila kami na sumakay na agad dahil nakareserba na ang mga upuan namin. Pero pano naman namin gagawin yun? Eh galit na galit na ang mga tao na halos mandukot na ng mga mata ng mga naniningit sa kanila! Pinigilan nilang umalis ang bus na dapat sasakyan namin, at pinapababa ang mga walang pakundangan at mga walang modong mga talipandas na yan! Bumaba ang ilan, pero nagmatigas ang mga kasama namin (hahaha nakakabaliw!).
Imposible na kaming makasakay at hindi na rin pwedeng bumalik sa pila, nagplano kaming magbago ng ruta at magkita-kita na lang sa Gapan. Pero may nangyaring parang himala na hindi ko masabi kung maganda o hindi; ayos naman dahil nakasakay kami dun mismo sa bus ng dalawa naming ninja, pero ang eksena bago yun ay hinding hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko. Halos maipit ang ulo ng batang kasama namin, halos magkalasug-lasog ang katawan ko dahil sa tulakan at siksikan ng mga nagnanais makasakay nang hindi pumipila (hahaha! nakakatawa).
Makalipas ang tatlong oras, nakarating kami sa Gapan alas kwatro ng madaling araw at sumakay naman ng tricycle papunta sa bahay ng kasama namin; ang mahal ah! 30 isa! osya!
hinding hindi na kami magbubus pag holy week. #kalbaryo
— teresa dosado (@nevetessa) April 16, 2014
Post a Comment